Biyernes, Setyembre 23, 2016

Pasaporte ni Ama at Ina

Photo Credit to Rappler.Com
Habang pinapanood ko yung movie na "ANAK" sobra ang tumulong luha sa akin. Siguro dahil hindi ko maintindihan yung mga anak na ganun ang turing sa mga magulang nila. Karamihan siguro sa inyong mga nakakabasa ay alam na ang istorya ng ANAK, ang kuwento ay tungkol sa isang ina na naiwan sa isang sitwasyong kinailangang piliin ang pangingibang-bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga anak. Subalit sa kabila ng lahat ng ito ay nawala sa tamang landas ang panganay niyang anak at naranasan niya ang lahat ng uri ng pambabastos mula rito. Sa nasabing pelikula ay naipakita ang dalawang papel na napakahirap gampanan, ang maging isang OFW at ang maging isang Ina. Walang magulang, walang ina ang nanaising makita ang kanyang mga anak na halos mamatay na sa gutom at lumaki sa kamangmangan dahil sa kahirapan. Ang pinakamahirap na desisyon ay yung pag-alis sa piling ng mga mahal sa buhay upang maiwasan ang lubhang paghihirap. Ito lang eh.. ito lang ang kailangang isipin ng mga anak para ituwid nila ang landas na tatahakin nila. Hindi pinupulot ang pera na ipinapadala ng mga magulang para lamang sa pagbuo ng isang magandang hinaharap. Kung may trabaho lamang sana dito sa Pilipinas na magbibigay ng disenteng pagkukuhanan ng kabuhayan ay hindi na kailangan pang mangibang bansa ng karamihan sa ating mga magulang. Wala ng ganitong totoong drama ng buhay na sumisira sa ilang tahanan dito sa ating sariling lupa. Hindi ito kasalanan ng ating mga magulang, bagkus ay itinulak lamang sila ng sitwasyon para lumayas at yakapin ang buhay na malayo sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ako ay masasabing biktima din ng ganitong pangyayari. Ang aking ama ay seaman na namatay  sa dagat nung ako ay mag-aapat na taong gulang pa lamang. Wala akong muwang, dumating sa puntong sinabi ko sa aking ina na bibili na lamang kami ng bagong tatay dahil nasa kabaong na ang aking ama na sinsaabi nila noong patay na. Hindi ko siya kilala sapagkat sa loob ng 3 taon na ako ay nabuhay sa mundo ay palagi siyang nandun sa barko at mga 2 o 3 beses lang ata niya ako nakarga sa kanyang mga bisig. Sa isang iglap ay nawala ang lahat ng kanilang mga pangarap ng aking ina. Naiwan si mama na kinakaharap ang kalbaryo kung saan kukuha ng pangtutustos sa aming pang araw-araw na pangangailangan. Dumating sa puntong walang-wala na, lubog sa baha ang bakuran, sampung piso na lamang ang laman ng bulsa niya at gabi-gabi ay narirniig ko ang kanyang paghikbi dahil sa sobrang hirap na nararanasan namin. Literal na kulang na lang ay mamalimos  na kami ng tulong para makaraos sa pinagdadaanan namin.Hindi ko alam ang patutunguhan noon pero hindi kami pumayag na maging ganoon na lamang ang buhay kaya lumaban kami. Sa tulong ng mga taong nagmamahal sa amin, kahit papano ay natulungan kami. Sila ang nagbigay ng instrumento para maisagawa namin ang nasa plano naming pagsusumikap at pag-aaral ng mabuti.para makatapos.

Ano ang pinupunto ko sa aking nabanggit sa taas? ito ay ang pagkundena ko sa pagiging siraulo ng mga taong may mga magulang na handang magsakripisyo para sa ikauunlad nila pero isinasantabi yun at sinasayang dahil lamang sa hindi katanggap tanggap na sumbat na "nasaan ka nung kailangan kita?". Nagsasakripisyo nga di ba??? para lang sa inyo. Para hindi na kailangang mamalimos, magdildil ng asin at para sa kinabukasan na rin. Walang magulang ang makukuntentong makita ang mga anak nila na naghihirap at kumakalam ang sikmura sa gutom. Sana magsilbing inspirasyon ang lahat ng aking nabanggit sa mga taong hanggang ngayon ay sarado pa rin ang utak sa paghihirap ng kanilang mga magulang, mapa OFW man o namamasukan dito sa ating bansa na kumikita lamang ng kakarampot sa araw-araw.

Hindi ako naniniwala sa palasak na katwirang: "lumaki akong pasaway dahil wala ka! wala akong gabay".. mas dapat tayong maniwala sa "Lumaki akong maayos dahil wala ka! natuto akong lumaban at magpakabuti para balang - araw ay makakabalik ka na at hindi na kailangang mag abroad pa"



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento