Sabado, Setyembre 10, 2016

Ang Aking Hindi Perpektong Pagsulat

Photo Courtesy of Google Image: AlternativeLearningSystem.blogspot.com

Nagsusulat ako ng Nakatayo, nakaupo, nakahiga, nasa MRT at kahit anong posisyon pa ay nagsusulat ako dahil maraming mga bagay ang pumapasok sa isip ko. Hindi ako masalita dahil mahina talaga ako sa salitaan o daldalan..salamat sa pagiging introvert ko at sa walang tiyaga sa diskusyunan. Hindi dahil sa takot ako kundi dahil tinatamad lang talaga akong magsalita kaya idinadaan ko na lamang sa sulat.

Ang pinakapaborito kong topic sa totoo lang ay pulitika. Hindi ba obvious sa mga posts ko sa Facebook? Kung friend kita doon ay malalaman mong mahilig talaga ako sa pulitika. Dahil naniniwala ako na sobrang laki ng epekto nito sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Walang biro, malaki talaga..kasing laki ng butanding.

Anyway, moving on..paano at kailan nga ba ako nagka-interes sa pagsusulat. Nagsimula iyan nung High School ako kung saan ay naisali ako sa isang Essay Writing Contest at umabot ako sa District level at awa ng Diyos ay itinanghal na Champion sa buong District 4 ng Bulacan. Actually halos nakalimutan ko na nga ang detalye haha, pero basta ang alam ko panalo ako noon. Nasabi ko sa sarili ko, kaya ko palang ilagay sa papel kung ano ang aking nasa utak.

Dito na nagsimula ang aking pagkabighani sa pagsusulat at gaya ng dati kong sinabi sa facebook page ko? Mas lalo pa akong naengganyo nang marinig ko na ang mga komentaryo ni Rolando Bartolome sa radyo na isang Palanca awardee. Block timer siya sa radyo, hindi popular na mga ideya ang tinatalakay niya at madalas ay nababan pa. Ganoon kasi siya ka passionate pag nagbigay ng comments tungkol sa pulitika. Doon ako nagsimulang magbasa at naging tulay din yun para i-pursue ko ang aking pagsusulat na umabot sa school newspaper namin. Hindi man mabibigat na istorya o balita, masaya na rin na umabot ako sa posisyon na Editor in Chief sa aming Gazette. Sa yugtong iyon ninais ko sanang kumuha ng journalism noong high school subalit hindi iyon ang landas na tinahak ko.

Pumasok ang College at ako ay napasama naman sa Weekly newspaper namin sa UE. Naging parte ako ng Caloocan Bureau bilang Features Writer pero hindi rin iyon nagtagal sa kadahilanang kailangan ko ng mag focus sa aking pag-aaral ng kursong aking pinili. Maikli man ang panahon ay may mga natutunan din ako doon...katulad ng hindi talaga madali ang maging isang manunulat. Mahirap at sobrang nakaka stress lalo na kung kailangan mong mag-produce ng worth it na artikulo.

Sa madaling salita ay inukit ko na lamang ang lahat bilang isang pampalipas oras, outlet kumbaga. Hindi ako magaling lalo sa teknikal na aspeto ng pagsusulat at sa mga malalalim na grammar. Pero alam kong may ideya ako, may malalim na ideya sa mga bagay na nagaganap sa ating lipunan. Ngunit nang mga nakaraang administrasyon ay mas pinili ko na lamang na sumabay sa agos sapagkat wala din namang mapapala kahit na magsususulat ako. Magmumukha lamang akong bitter sa facebook page ko kung puro ako opinyon, samantalang ang lahat ng tao ay wala namang pakialam.

Ngunit naiba ang ihip ng hangin mula noong 2016 election, dahil for once ay may mga tumakbo na mga karapat-dapat sa puwesto. Lumabas ulit ako bilang ako na manunulat sapagkat nakikita kong kailangan ng mga tao ng magpapaliwanag na mula naman sa ibang perspektibo at pananaw. Kung hindi naglabasan ang mala political analysts na tulad ko at tulad ng ibang nagpopost tungkol sa pulitika ay monopolyo pa rin ng impormasyon ang mangyayayari sa atin.

Hindi mo na kailangan ng Editor para lumabas kung ano ang nasa utak mo. Hindi mo na rin kailangang maging sobrang galing sa English para lamang makapagsulat. Hindi ibig sabihin na aabusuhin ito at kahit ano na lamang ay puwedeng maisulat. Ang punto ko ay, malaya na tayong magbigay ng kuro-kuro dahil sa social media kaya hindi na mahirap ang magsulat. Subalit kaakibat nito ay ang responsibilidad na alamin at pag-aralan mo muna ang iyong isinulat bago mo ihayag. Isang bagay na nakakalimutan na din yatang gawin maski ng mga lehitimong tagapagbigay ng mga balita.

Ngayong pumasok tayo sa isang hindi pangkaraniwang kabanata ng ating lipunan sa pamumuno din ng isang hindi pangkaraniwang pinuno. Marapat lamang na magkaroon ng rebolusyon sa impormasyon at pagpapahayag.


Marami na ang lumalabas para tumulong sa paggising sa ating mga isipan. Hindi man perpekto ang aking pagsulat, isa lang ang masasabi ko...may mga taong kahit paano ay bumabasa kung ano ang nasa isip ko. Tulad ko, maski ikaw... Oo ikaw, hindi ka man journalist ay ihayag mo ang saloobin mo na tingin mo ay tama at huwag kang mahihiya. Ngunit huwag ka ring salaula sa kumento para lamang makapang bash.

Hindi man ako naging journalist, kahit paano ay may ideya ako kung ano at para saan ang propesyong ito. Ang magbigay ng impormasyon... Ng tamang impormasyon. Saludo pa rin ako sa mga mamamahayag na pinipiling magsabi ng tamang impormasyon at hindi nagpapadikta, oo marami pa.

Sabi nga ni Mocha Uson.. "I am not a Journalist". Pero kahit di tayo perpekto at journalist may karapatan pa rin tayong magpahayag. Hindi nakakahiyang tumulong sa sambayanan sa pamamagitan ng pagsusulat. Hindi man maging viral, ang mahalaga ay nakapag ambag ng pananaw. Again, just be responsible with it.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento