Biyernes, Abril 15, 2016

Ano ba ang mahirap sa paghihintay sa green light?

Photo: Courtesy of Google image
Pula ang ilaw ng traffic light pero ang daming tumatawid. Bawal umihi dito, pero may taong umiihi. "No loading and unloading", pero puno ng jeep na nagbababa o nagsasakay. Bawal magtapon ng basura pero may bundok ng basura. Dapat bang lagyan ang signboard ng "ang sinumang lumabag ay iso-shoot to kill.. P.S. di to joke".



Ganyan ba tayo kasalaula sa mga patakaran? O talagang nalamon na lang ang sistema ng kamangmangan? Alam ba ninyo na ang demokrasya ay may kaakibat na responsibilidad at kapag napabayaan, ang demokrasya ay mapapalitan ng disgrasya. Alam kong hindi likas sa ating mga Pilipino ang walang disiplina, lumala lang noong bumaba ang kalidad ng edukasyon at nagkanya kanya tayo ng interpretasyon sa salitang demokrasya at kalayaan. 

Hindi kasama sa demokrasya ang kawalan ng disiplina. Kahit na naniniwala ako na nasa tao ang disiplina, alam kong ito ay naituturo rin at maaaring isaksak sa utak lalo na ng mga bata. Ngunit paano mangyayari ito kung sabog ang ating sistema? Walang tama, lahat mali. Walang pagkakaisa, lahat may

puna.

Paano magkakaroon ng disiplina? Madaling sabihing kailangang magsimula sa mga sarili natin. Pero ito ay isang malaking pangarap lamang dahil kahit na kailan, hindi maaring solely magsimula ito sa akin at sa iyo ng walang nagpapatupad. Kailangang mabago ang sistema at magkaroon tayo ng sinusundan na alam nating seryoso sa pagpapatupad ng mga patakarang tama. Kailangang magkaroon tayong lahat ng kaalaman at mangyayari lang yun kung tayo ay may edukasyon at kung maiaangat ang buhay mula sa kahirapan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento