Lunes, Oktubre 31, 2016

Imahinasyon ko Nga Lang Yata

Photo Credits to Google Image
Sabi nila kapag nagsusulat ka, malikot din ang imahinasyon mo. Marami kasing bagay ang pumapasok sa isip, at sala-salabat iyon hanggang sa maayos na lang habang sinusulat. Ngunit paano kung may di maipaliwanag kang bagay na naranasan? Kathang isip lang ba o totoo na?

Naging parte ako ng isang College Newspaper at kasama sa trabaho namin ay ang magtangkang gumawa ng article na maaring pagpilian ng mga editors kapag naipasa na. Kaakibat nito ang pananatili sa loob ng aming opisina sa mga alanganing oras o maski ng weekend. Nagsimula ang lahat ng isang sabado ng umaga na kailangan naming magreport sa opis. Wala pang tao noon, parang dalawa palang kami sa pagkakatanda ko. Habang nakaupo ako sa hagdan sa labas ng opis namin, isang imahe ang nakita ko sa aking peripheral vision, imahe ng babae na umaakyat. At dahil hindi naman ako naniniwala sa mga multo, tiningnan ko ng direcho ang imahe at nakita ko nga nga siya. Inalis ko ang tingin ko dahil baka namamalik-mata lang ako. Nang tumingin ulit ako ay nandun pa rin siya...nakaakyat na siya ng mas mataas, inalis ko ulit ang tingin ko at nang ibinalik ko ay wala na. Kabaligtaran sa mga napapanood sa pelikula, hindi ako nakaramdam na parang gusto kong kumaripas ng takbo. Parang huminto ang oras pero pinagwalang bahala ko lang.

Wala lang... Ano pa ba? Pero matapos ng araw na iyon ay madalas ng may nagpaparamdam sa opis lalo kapag mga bandang alas otso na ng gabi. Nandiyang may kumakatok sa pinto pero kapag labas mo ay walang tao, may panahong biglang nabasag ang isang word of God na nakasabit sa dingding. Bigla na lamang nag slide nang walang gumagalaw na tao o malakas na hangin. Ang isa pang nangyari ay noong dalawa kaming naiwan sa opis ng kapwa kong manunulat na babae. Matatakutin iyon kaya wala akong binabanggit talaga sa kanyang kahit ano. Nagpasya kaming mag CR at dahil sa madilim ay nagpasama siya sa akin. Iniwan naming sarado ang ilaw ng opis at nang bumalik kami, ako ang nauna at nagbukas ng pinto. Nabigla ako sa mukhang tumambad sa akin pero ang mas nagulat ako ay ang pagtili at pagtatatakbo ng kasama ko palayo. Hinabol ko siya habang sinisigaw ang pangalan niya... "Bakit??? Teka... Ano ka ba?? Bakit ka lumalayo?" naabutan ko siya na halos mangiyak-ngiyak na nakatakip ng kamay ang mga mata. Tumingin siya sa paligid at sinabi niyang may nakita siya nung binuksan ko ang pinto. Sumusunod daw iyon  kanina kaya hindi siya humihinto sa pagtakbo..isang babae. Nagtaka ako dahil hindi ko naman sinabi sa kanya na may nakita ako, pero nakita rin pala niya...dun na nabuo sa isip ko na hindi na ito biro, hindi na talaga.

...nagpatuloy pa ang mga di maipaliwanag na pangyayari. Hindi naman araw-araw pero paminsan-minsan ay may mga kakaibang nagaganap. Ang huling yugto nito ay nang umuwi ako galing sa eskwela. Napansin kong malamig ang dampi ng hangin sa akin pero naisip ko na mlamang ay gawa lang ng panahon ito. Kumain...natulog at kinaumagahan ay naramdaman kong sumilip ng bahagya ang aking kapatid sa pinto, mga alas sais ng umaga iyon. Sa isip ko, "problema nun?" pero pinagwalang bahala ko lang dahil baka chinicheck lang niya kung nandoon nga ako. 

Nung nananghali kami ng araw na iyon ay tinanong niya ako kung nakita ko siya na sumilip sa kuwarto. Ang sabi ko naman ay oo at doon na nila pinaliwanag sa akin ni mama ang dahilan. Habang nag uusap daw sila sa labas ay may dumaan sa gitna nilang puwersa, as in malakas na puwersa na nagkatinginan sila. At nagkatanungan kung naramdaman ba ng isa't isa ito. Ang puwersa ay papunta sa kuwarto kung saan ako natutulog kaya sumilip ang aking kapatid. Dahil doon ay sinabi ko sa kanila ang aking mga nararamdaman. "Huwag mong intindihin... Huwag mong i-entertain ang ganyang mga bagay" sabi ng aking ina. Nagdasal kami, madalas na panalangin at nang lumaon ay nawala na rin naman ang mga ganung bagay na nararamdaman ko. 

Walang Multo, Iyan ang pinaniniwalaan ko. Ang meron lamang ay ang mga dark spirits na handang gamitin ang imahe ng mga namatay para maka penetrate sa utak ng isang tao. Kung mahina ang pananampalataya mo sa taas, may tiyansang matalo ka ng utak mo at ng sinasabi nilang 6th sense.


Bukas ba ang third eye ko? Hindi. Dahil ayaw ko at dahil hindi puwede at dahil hindi ito option o regalo. Masuwerte ang mga taong napigilan ang ganitong pangyayari pero para sa iba na hindi kinaya...dasal lang talaga. Sa sarili kong opinyon, karamihan ng nakakaranas ng ganito ay may malalim na iniisip at sadyang pagod. Siguro noong mga panahon na iyon ay pagod lang ang katawan ko sa biyahe at kaiisip ng maaaring isulat. Maraming puwedeng dahilan pero minsan naiisip ko rin, sadyang kathang isip nga ba talaga ang nangyari kung maski ang aking kapamilya ay nakaramdam na?

Sa ngaon, kung tatanungin ninyo kung nakakaramdam at nakakakita pa ako? Minsan...may padaplis daplis na pagkakataon. May mga sumunod na mga nangyari pero gaya nga ng nasabi ko, huwag pansinin at huwag tangkaing tuklasin. Kung makakita ka man ng inaakala mong multo...isa lang ang sabihin mo. "Jesus..take away these demons". Katulad ng ginawang pagtukso sa kanya noon? Tinutukso din tayo ng masamang puwersa sa oang araw-araw, sa iba't ibang form at paraan.

Isinulat ko ito hindi para makapanakot ngayong araw ng patay. Nais ko ring ibahagi ang aking karanasan para sabihing ang totoo nating kalaban ay ang isip natin at ang mga inner devils sa mga sarili natin.